about our faith
PAGDALAW NG KAMAY NI SAN JUAN BOSCO
Obispo Mylo Hubert C. Vergara
St. Joseph Cathedral, San Jose City, Nueva Ecija
Ika-10 ng Enero 2011
Ang relikyang dumalaw sa atin sa loob ng halos tatlong araw ay ang kanang kamay ni San Juan Bosco. Ito ang kamay na hinawakan ng kanyang mga magulang noong siya’y isinilang sa mundong ito nung ika-16 ng Agosto 1815. Ito rin ang kamay na nagtanda ng krus nung siya’y tinuruang magadasal at mamulatan sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Ito rin ang kamay na hinawakan at pinahiran ng banal na krisma ni Arsobispo Franzoni ng Turin sa Italia nung siya ordenahang pari nung 1841. Ito rin ang kamay na humawak sa tinapay at alak na naging katawan at dugo ni Kristo sa bawat pagdiriwang niya ng misa. Ito rin ang kamay na nagbendsiyon sa mga tao sa pagtatapos ng misa, sakramaento ng kumpisal at iba pang sakramentong pinagdiwang niya bilang pari. Ito rin ang kamay na tumapik sa ulo at balikat ng mga batang lansangan na kinalinga at tinuruan tungkol sa pananampalataya na kinupkop niya sa itinatag niyang Oratory nung Pebrero 1842 dahil namulatan siya sa sinabi ni Kristo sa ating Ebanghelyo ngayon na ang pagtulad sa isang bata ang daan patungong langit (Mateo 18:3-4). Ito rin ang kanang kamay na nagdaup-palad sa kanyang kaliwang kamay habang siya’y nanalangin sa Diyos upang biyayaan siya ng katapatan sa kanyang bokasyon bilang pari, kababaang-loob sa kanyang paglilingkod at kalinisan ng puso upang mahalin ang bawat taong lumapit sa kanya, lalo na ang mga kabataan walang nagmamahal na ang tanging mithiin ay mahalin at mapalapit sa Poong Maykapal.
Napakapalad natin dahil sa loob ng ilang araw na nagpugay tayo at humawak sa eskaparate na kinalalagyan ng relikya ay para bagang “nakadaup-palad” natin ang kamay ni San Juan Bosco, ang Ama, Kaibigan at Patron ng Kabataan—matuturing ding ama, kaibigan, at patron nating lahat. Sa paglisan ng kanyang relikya, may hamon siya para sa atin, lalo na sa ating mga kamay.
Una, na ang ating kamay ay maging kamay na nagdarasal—na walang patumanggang nananalangin. Sabi nga ni San Pablo sa ating Ikalawang Pagbasa: “…ipakita ninyo sa Diyos ang lahat ninyong mga hinihingi sa panalangin at dasal na taglay ang pasasalamat.” (Filipos 4:6) Sana’y walang sawang magdaup-palad ito sa ating pagdiriwang ng Banal na Eukaristya at tahimik na pagpipiling sa Santisimo Sakramento hindi lamang sa oras ng pangangailangan kundi sa araw-araw. Ang mga banal na gawaing ito ang nagbigay ng lakas kay San Juan Bosco upang makapaglingkod nang lubusan ayon sa kalooban ng Diyos. Ito rin ang magbibigay ng lakas at tibay ng loob sa atin upang maglingkod sa Diyos.
Ikalawa, na ang ating mga kamay ay maging kamay na nakikipagkasundo—na handang makipag-ugnayan muli at maging instrumento ng paghihilom ng sugatang puso dala ng mga nasirang relasyon. May mga pagkakataong nagkakagalit o nagkakatampuahan ang mag-ama, mag-ina, magkapatid, magkamag-anak, magkaibagan, magka-barkada o kahit magkasama sa trabaho. Katulad ni San Juan Bosco na ginamit ang kanyang kanang kamay upang igawad ang kapatawaran ng Diyos sa maraming makasalanang nangumpisal sa kanya noon, sana’y gamitin din natin ang ating mga kamay upang magpatawad sa mga nakasakit sa atin at hangaring ayusin ang mga nasirang relasyon o pakikipag-ugnayan upang ang pag-ibig at pagkakaisa ang mamayani sa bawat pamilya, pamayanan, pati sa ating bayan.
At ikatlo, na ang ating kamay ay maging kamay na nagkakawanggawa—na handang iabot ang ating mga kamay upang tumulong sa mga kapuspalad at nangangailangan. Nagtiwala si San Juan Bosco sa Diyos na bibiyayaan siya ng kakayanang materyal, moral at espiritwal upang magkawanggawa at mag-alay ng tulong sa mga dukha, lalo na ang maraming kabataang walang matirhan at walang kumakalinga. Hindi siya pinabayaan ng Diyos upang matupad ang kanyang misyon. Pinanghawakan niya ang nasasaad sa ating Unang Pagbasa: “Magtiwala ka sa Kanya at tutulungan ka niya.” (Sirac 2:6) Ito rin ang hamon sa ating mga kamay ngayon. Ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon ang ating kapwa. Hangad niyang maging mabuting katiwala tayo ng bawat isa; bukas-palad na handang mag-alay ng tulong kahit kanino, kahit anong sitwasyon, sa bawat sandali ng ating buhay.
Pagkatapos ng misang ito, magpapaalaam na ang relikya ng kamay ni San Juan Bosco at kakaway ang ating mga kamay sa paglisan nito. Harinawa, pagkatapos ng ating pagkaway, huwag nating kalimutang gamitin ang ating mga kamay sa ating pagdalaw sa Diyos kapag tayo’y tinatawag na manalangin, gamitin din sa pagdalaw natin sa ating mga nakatampuhan o kaya’y nakaaway upang makipagkamay at makipagkasundo, at lalong gamitin sa pagdalaw sa mga nangangailangan, lalo na ang maraming kabataang walang nagmamahal upang iabot at ipakita ang ating pagmamahal sa bawat isa. Sabi nga ni San Juan Bosco: Da Mihi Animas, Caetera Tolle—“Give me souls. Take away the Rest.”—Bigyan mo ako ng mga kaluluwa. Wala nang mahalaga pa.
Sana sa bawat sandali ng ating buhay ay naisin natin ang pagdalaw sa Diyos at ating kapwa, at hangarin ang kaligtasan ng bawat isa upang lahat ay makarating sa Kaharian ng Diyos Ama sa langit. Amen.

